Lunes, Mayo 20, 2013

Liham sa aking mga magulang

         Para sa aking mga magulang,
        Para sa aking inay, salamat po sa ilang buwang paghihirap nyo sa pagdadala sa akin sa inyong sinapupunan, sa walang sawang pag alalay sa akin sa aking mga unang hakbang, sa walang sawang pakikinig sa aking mga unang salitang mahirap intindihin, sa walang sawa ninyong pagpapasensya sa akin sa mga araw ng aking paglaki.
      Para sa aking ama, salamat po sa pagtuturo sa akin sa kung paano ipagtanggol ang aking sarili at pahalagahan ang aking dignidad kahit dumating ang araw na ito na lang ang meron ako, sa walang sawang pagbabanat nyo ng buto, sa kabila ng mahirap na trabaho, mababang sweldo at matinding init ng araw mabigyan lamang kami ng magandang kinabukasan. Salamat po sa mga pangaral na nagtutuwid sa aking mga kamalian at sa mga araw na naramdaman kong akin ang mundo noong ako'y bata pa.
       Ina, ama, patawarin nyo po ako sa aking mga kapusukan noong araw na ako'y nagbibinata na, patawarin nyo po ako sa mga pabalang kong mga sagot kapag umuuwi ako ng gabing gabi na. Patawad po sa mga hapunan na hindi natin natin napagsaluhan dahil umuuwi ako ng lasing. Patawad po sa pagbuhos ng inyong luha kapag umuuwi akong puro pasa dahil nakipag away. Patawad po sa kawalan ko respeto at utang na loob ko sa inyo, patawad po sa pag aksaya ko ng pagmamahal nyo na sinuklian ko ng kawalanghiyaan.
      Patawad po at ngaun lamang ako humingi ng tawad kung kaylan hindi nyo na mababasa ang liham na ito, kung kaylan huli na ang lahat at wala na kayo sa mundo. Patawad po, patawad


                                                                 Nagmamahal,
                                                              Ang inyong anak

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento